Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 12
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng instrumentong may walong kuwerdas.
Panginoon, tulungan po ninyo kami,
dahil wala nang tapat sa inyo,
at wala na ring naninindigan
sa katotohanan.
Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila upang makapandaya ng iba.
Patigilin sana ng Panginoon
ang mga nambobola,
at ang mga mayayabang.
Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita
ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila
ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nilinis
sa nagliliyab na pugon.
Panginoon, nalalaman namin
na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito,
magpakailanman.
Nagkalat ang mga masasamâ,
at pinupuri pa ng lahat
ang kanilang kasuklam-suklam na gawa.