Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 47
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ng mga anak ni Kora.
Kayong mga tao sa bawat bansa,
magpalakpakan kayo!
Sumigaw sa Diyos nang may kagalakan.
Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Diyos at kagalang-galang.
Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
Ipinasakop niya sa aming
mga Israelita ang lahat ng bansa.
Pinili niya para sa amin ang lupang
ipinangako bilang aming mana.
Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob
na kanyang minamahal.
Umupo sa kanyang trono ang Panginoon na ating Diyos,
habang ang mga taoʼy nagsisigawan
at ang mga trumpetaʼy tumutunog.
Awitan ninyo ang Diyos
ng mga papuring awit.
Awitan ninyo ang ating hari
ng mga papuring awit.
Dahil ang Diyos ang siyang Hari
sa buong mundo.
Umawit kayo sa kanya ng mga awit
ng pagpupuri.
Ang Diyos ay nakaupo sa kanyang trono
at naghahari sa mga bansa.
Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
kasama ang mga mamamayan
ng Diyos ni Abraham.
Ang mga pinuno sa mundo ay sa Diyos,
at mataas ang paggalang nila sa kanya.