Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 52
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Isa itong maskil ni David Isinulat niya ito pagkatapos pumunta ni Doeg na taga-Edom kay Saul para sabihin na si David ay pumunta sa bahay ni Ahimelec.
Ikaw na taong matapang,
bakit mo ipinagyayabang
ang iyong kasamaan?
Hindi baʼt ang Diyos
ay palaging mabuti sa iyo?
Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
Minamahal mo ang kasamaan
kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling
kaysa magsabi ng katotohanan.
Taong sinungaling,
ang gusto moʼy makapanakit ng iba
sa pamamagitan ng iyong pananalita.
Ngunit dudurugin ka ng Diyos nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buháy.
Makikita ito ng mga matuwid
at magtataka sila.
Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
“Tingnan ninyo ang taong
hindi nanalig sa Diyos
bilang matibay niyang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang
sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi
ang kanyang kasamaan.”
Ngunit akoʼy tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob
ng bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa kanyang pag-ibig, magpakailanman.
Pasasalamatan ko kayo magpakailanman
dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo,
ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.