Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 119
א Alef119:0 Ang salmong ito ay isang akrostikong tula. Ang bawat saknong nito ay pinangungunahan ng magkakasunod na titik ng alpabetong Hebreo. Bukod dito, ang bawat taludtod ng bawat saknong ay nagsisimula rin sa parehong titik ng alpabetong Hebreo.
Mapalad ang taong namumuhay
nang walang kapintasan,
at naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod
sa mga katuruan ng Diyos,
at buong pusong hinahanap
ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama
sa halip ay sumusunod
sa mga pamamaraan ng Diyos.
Panginoon, ibinigay ninyo sa amin
ang inyong mga tuntunin
upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais
na maging tapat
sa pagsunod sa inyong
mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya
kapag sinunod ko
ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo
nang may malinis na puso,
habang pinag-aaralan ko
ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko
ang inyong
mga tuntunin,
kaya huwag ninyo akong pababayaan.
ב Bet
Paano mapapanatili ng isang kabataan
na dalisay ang kanyang buhay?
Sa pamamagitan ng pamumuhay niya
ayon sa inyong salita.
Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya akoʼy tulungan ninyo
na huwag lumihis sa mga utos ninyo.
Ang salita ninyo ay iningatan ko
sa aking puso
upang hindi ako magkasala sa inyo.
Purihin kayo Panginoon!
Ituro ninyo sa akin
ang inyong mga tuntunin.
Ang mga kautusang inyong ibinigay
ay lagi kong sasambitin,
isisigaw ko nang malakas.
Nagagalak akong sumunod
sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot
ng mga kayamanan.
Ang inyong mga tuntunin
ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti
ang inyong pamamaraan.
Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy
hindi ko lilimutin.
ג Gimel
Ipadama ninyo ang inyong kabutihan
sa akin na inyong lingkod,
upang patuloy akong makasunod
at makapamuhay ayon sa inyong salita.
Buksan ninyo ang aking isipan
upang aking maunawaan
ang kahanga-hangang katotohanan
ng inyong kautusan.
Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
kaya ipaliwanag ninyo sa akin
ang inyong mga utos.
Sa lahat ng oras ay naghahangad ako
na malaman ang kautusan ninyo.
Ang mga hambog ay sinasaway ninyo
at isinusumpa ang mga lumalabag
sa mga utos ninyo.
Ilayo ninyo ako sa kanilang panghihiya
at pangungutya,
sapagkat sinusunod ko
ang inyong mga turo.
Kahit na magtipon ang mga namumuno
at magsalita laban sa akin,
akong lingkod ninyo ay patuloy na magbubulay-bulay
sa inyong mga tuntunin.
Ang inyong mga turo ay nagbibigay
sa akin ng kagalakan,
at nagsisilbing aking tagapayo.
ד Dalet
Akoʼy parang mamamatay na,
kaya akoʼy panatilihin ninyong buháy
ayon sa inyong pangako.
Sinabi ko sa inyo ang tungkol
sa aking pamumuhay
at akoʼy pinakinggan ninyo.
Ituro ninyo sa akin
ang inyong mga tuntunin.
Ipaunawa ninyo sa akin ang inyong
mga tuntunin,
upang pagbulay-bulayan ko
ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan,
palakasin ninyo ako
ayon sa inyong pangako.
Ilayo ninyo ako mula sa paggawa ng masama,
at tulungan ninyo akong sundin
ang inyong kautusan.
Pinili ko ang tamang daan,
gusto kong sumunod
sa inyong mga utos.
Panginoon, sinunod ko
ang inyong mga turo,
kaya huwag ninyong papayagang
mapahiya ako.
Pinagsisikapan kong sundin
ang inyong mga utos,
dahil pinapalawak ninyo
ang aking pang-unawa.
ה He
Panginoon, ituro ninyo sa akin
ang inyong mga tuntunin,
at habang nabubuhay,
itoʼy aking susundin.
Bigyan ninyo ako ng pang-unawa
sa inyong kautusan,
at itoʼy buong puso kong susundin
at iingatan.
Pangunahan ninyo ako sa aking pagsunod
sa inyong mga utos,
dahil ito ang aking kasiyahan.
Bigyan ninyo ako ng pagnanais
na sundin ang inyong mga turo
at hindi ang pagnanais na yumaman.
Ilayo ninyo ako sa mga bagay
na walang kabuluhan.
Ingatan ninyo ang aking buhay
ayon sa inyong pangako.
Tuparin ninyo ang inyong ipinangako
sa akin na inyong lingkod,
na ipinangako ninyo
sa mga may takot sa inyo.
Alisin ninyo ang mga kahihiyan
na aking kinatatakutan,
dahil ang inyong mga tuntunin
ay pawang kabutihan.
Gusto kong sundin
ang inyong mga tuntunin.
Sa inyong katuwiraʼy,
ingatan ninyo
ang aking buhay.
ו Waw
Panginoon, ipakita ninyo
ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin,
ayon sa inyong pangako.
Pagkatapos sasagutin ko
ang mga kumukutya sa akin,
dahil akoʼy nagtitiwala
sa inyong mga salita.
Tulungan ninyo akong masabi
ang katotohanan
sa lahat ng pagkakataon,
dahil ang pag-asa ko
ay nakasalalay
sa inyong mga utos.
Lagi kong susundin
ang inyong kautusan
habang akoʼy nabubuhay.
Mamumuhay akong may kalayaan,
dahil pinagsisikapan kong sundin
ang inyong mga tuntunin.
Hindi ko ikakahiyang sabihin
ang inyong mga turo
sa harapan ng mga hari.
Nagagalak akong sundin
ang inyong mga utos
dahil mahal ko ang mga ito.
Iginagalang ko ang inyong mga utos
na aking minamahal,
at pinagbubulay-bulayan ko
ang inyong mga tuntunin.
ז Zayin
Alalahanin ninyo ang inyong pangako
sa akin na inyong lingkod,
dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
Ang inyong mga pangako
ang siyang nagpapalakas
at umaaliw sa akin
sa mga paghihirap na aking dinaranas.
Palagi akong hinahamak
ng mga hambog,
ngunit hindi ako humihiwalay
sa inyong kautusan.
Panginoon, inaalala ko
ang inyong mga panuntunang
ibinigay noong una,
at silaʼy nagbibigay sa akin
ng kaaliwan.
Akoʼy galit na galit
sa masasamang tao,
na ayaw sumunod
sa inyong kautusan.
Umaawit ako tungkol sa inyong
mga tuntunin
kahit saan man ako nanunuluyan.
Panginoon, sa gabi
ay inaalala ko kayo
at iniisip ko kung paano ko masusunod
ang inyong kautusan.
Ito ang aking kagalakan:
ang sumunod sa inyong
mga tuntunin.
ח Het
Kayo lang Panginoon,
ang tangi kong kailangan.
Akoʼy nangangakong susundin
ang inyong mga salita.
Buong puso akong nakikiusap sa inyo
na akoʼy inyong kahabagan
ayon sa inyong pangako.
Pinag-isipan ko ang aking pamumuhay,
at napagpasyahan kong sumunod
sa inyong mga turo.
Dali-dali at di ko ipagpapaliban
ang pagsunod sa inyong mga utos.
Kahit iginagapos ako ng masasama,
hindi ko kinakalimutan
ang inyong kautusan.
Kahit hatinggabi ay gumigising ako
para kayoʼy pasalamatan
sa inyong matuwid na mga utos.
Akoʼy kaibigan ng lahat
ng may takot sa inyo
at sumusunod sa inyong mga tuntunin.
Panginoon, minamahal ninyo
ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ituro ninyo sa akin
ang inyong mga tuntunin.
ט Tet
Panginoon, kabi-kabilang kabutihan
ang ipinaranas ninyo sa akin
na inyong lingkod,
sang-ayon sa inyong pangako.
Bigyan ninyo ako ng kaalaman
at karunungan,
dahil nagtitiwala ako
sa inyong mga utos.
Nang akoʼy hindi pa ninyo pinarurusahan,
akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na
ang inyong mga salita.
Napakabuti ninyo at mabuti
ang inyong mga gawa.
Ituro ninyo sa akin ang inyong
mga tuntunin.
Kahit na akoʼy sinisiraan
ng mga taong mapagmataas,
buong puso ko pa ring tinutupad
ang inyong mga tuntunin.
Hindi sila nakakaunawa
ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos
nang may kagalakan.
Mabuti na pinarusahan ninyo ako,
dahil sa pamamagitan nitoʼy
natutunan ko ang inyong mga turo.
Para sa akin, ang kautusan
na ibinigay niyoʼy
higit na mahalaga
kaysa sa maraming kayamanan.
י Yod
Akoʼy nilikha at hinubog ninyo;
kaya bigyan ninyo ako ng pang-unawa
upang matutunan ko
ang inyong mga utos.
Matutuwa ang mga may takot sa inyo
kapag akoʼy kanilang nakita,
dahil akoʼy nagtitiwala
sa inyong salita.
Panginoon alam kong matuwid
ang inyong mga utos.
At dahil kayo ay matapat,
akoʼy inyong dinisiplina.
Sanaʼy aliwin ninyo ako
ng inyong pagmamahal
ayon sa pangako ninyo sa akin
na inyong lingkod.
Kahabagan ninyo ako
upang patuloy akong mabuhay,
dahil nagagalak akong sumunod
sa inyong kautusan.
Mapahiya sana ang mga mapagmataas
dahil sa paninira nila sa akin.
Subalit ako ay magbubulay-bulay
ng inyong mga tuntunin.
Magsilapit sana sa akin
ang mga may takot sa inyo
at nakakaalam ng inyong mga turo.
Sanaʼy masunod ko
nang buong puso
ang inyong mga tuntunin
upang hindi ako mapahiya.
כ Kaf
Napapagod na ako sa paghihintay
ng inyong pagliligtas sa akin,
ngunit umaasa pa rin ako
sa inyong mga salita.
Lumalamlam na ang aking paningin
sa paghihintay ng katuparan
ng pangako ninyo sa akin.
Ang tanong koʼy, “Kailan pa ninyo ako
palalakasin at aaliwin?”
Kahit na akoʼy tulad ng sisidlang-balat
na hindi na mapakinabangan,
hindi ko pa rin nakakalimutan
ang inyong mga tuntunin.
Hanggang kailan pa kaya
ang aking paghihintay?
Kailan ninyo parurusahan
ang mga umuusig sa akin
na inyong lingkod?
Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod
sa inyong mga kautusan
ay naghukay ng mga patibong
upang akoʼy hulihin.
Kaya tulungan ninyo ako
dahil akoʼy kanilang inuusig
nang walang dahilan,
hanggang sa akoʼy nabingit na
sa kamatayan.
Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin
dahil maaasahan ang inyong mga utos.
Ingatan ninyo ang aking buhay
ayon sa inyong pag-ibig sa akin,
upang masunod ko ang mga turo
na ibinigay ninyo.
ל Lamed
Panginoon, ang salita nʼyo
ay mananatili magpakailanman;
hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
Ang inyong katapatan ay magpapatuloy
sa lahat ng salinlahi.
Matibay ninyong itinatag ang mundo,
kaya itoʼy nananatili.
Ang lahat ng bagay ay nananatili
hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
Dahil ang lahat ng bagay
ay sumusunod sa inyo.
Kung ang inyong kautusan ay hindi
nagbibigay sa akin ng kaaliwan,
namatay na sana ako
dahil sa paghihirap na dinanas ko.
Hindi ko kailanman lilimutin
ang inyong mga tuntunin,
dahil sa pamamagitan nitoʼy
patuloy ninyo akong binubuhay.
Akoʼy inyo, kaya akoʼy iligtas ninyo!
Dahil pinagsisikapan kong sundin
ang inyong mga tuntunin.
Nag-aabang ang masasama
upang akoʼy patayin,
ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
Nakita kong ang lahat ng bagay
ay may katapusan,
ngunit ang inyong mga utos
ay mananatili magpakailanman.
מ Mem
Labis kong iniibig ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
Ang inyong mga utos ay nasa puso ko,
kaya akoʼy mas marunong
kaysa sa mga kaaway ko.
Mas marami ang aking naunawaan
kaysa sa aking mga guro,
sapagkat lagi kong pinagbubulay-bulayan
ang inyong mga katuruan.
Higit pa ang aking pang-unawa
kaysa sa matatanda,
sapagkat sumusunod ako sa mga tuntunin ninyo.
Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko
ang inyong mga salita.
Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagturo sa akin.
Kay tamis ng inyong mga salita,
mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
Sa inyong mga tuntunin,
pang-unawa koʼy lumalawak,
kaya kinamumuhian ko
ang lahat ng gawaing masama.
נ Nun
Ang salita ninyo ay ilaw
sa aking paanan,
nagbibigay-liwanag sa aking daraanan.
Nanumpa ako at muling nangangako
na susundin ko ang mga matuwid
na utos ninyo.
Hirap na hirap na po ako Panginoon;
panatilihin ninyo akong buháy
ayon sa inyong pangako.
Tanggapin ninyo Panginoon
ang taos-puso kong pagpupuri,
at ituro ninyo sa akin ang inyong mga utos.
Kahit na akoʼy palagiang
nasa bingit ng kamatayan,
hindi ko kinakalimutan
ang inyong mga kautusan.
Ang masasamaʼy naghanda
ng patibong para sa akin,
ngunit hindi ako humihiwalay
sa inyong mga tuntunin.
Ang inyong mga turo
ang mana kong walang hanggan,
sapagkat itoʼy nagbibigay
sa akin ng kagalakan.
Aking napagpasyahan
na susundin ko
ang inyong mga tuntunin
hanggang dulo.
ס Samekh
Kinamumuhian ko ang mga taong
hindi tapat sa inyo,
ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
Kayo ang kanlungan
at pananggalang ko;
sa inyong mga salitaʼy umaasa ako.
Lumayo kayo sa akin,
kayong mga gumagawa ng masama,
upang masunod ko ang mga utos
ng aking Diyos.
Panginoon, bigyan po ninyo ako
ng kalakasan
ayon sa inyong pangako
upang ako ay patuloy na mabuhay;
at huwag ninyong hayaan
na mabigo ako
sa aking pag-asa sa inyo.
Tulungan ninyo ako upang akoʼy maligtas;
at nang lagi kong maituon
sa inyong mga tuntunin
ang aking isipan.
Itinatakwil ninyo ang lahat
na lumalayo
sa inyong mga tuntunin.
Ang kanilang panlilinlang
ay walang kabuluhan.
Basura ang tingin ninyo
sa lahat ng masasama rito sa mundo,
kaya naman iniibig ko
ang inyong mga turo.
Nanginginig ako sa takot sa inyo;
sa hatol na inyong gagawin
ay natatakot ako.
ע Ayin
Ginawa ko ang matuwid
at makatarungan,
kaya sa aking mga kaaway,
huwag ninyo akong pababayaan.
Ipangako ninyong akoʼy tutulungan
huwag pabayaang apihin ako
ng mga mayayabang.
Nagdidilim na ang aking paningin
sa paghihintay sa inyong pangako
na ililigtas ako.
Gawin ninyo sa akin na inyong lingkod
ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro ninyo sa akin
ang inyong mga tuntunin.
Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan ninyo ako
ng pang-unawa,
upang maunawaan ko
ang inyong mga katuruan.
Panginoon, ito na ang panahon
para kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao
ang inyong kautusan.
Pinahahalagahan ko
ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto
o pinakadalisay na ginto.
Sinusunod ko ang lahat
ng inyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko
ang lahat ng masamang gawain.
פ Pe
Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito
nang buong puso.
Ang pagpapahayag ng inyong mga salita
ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao
at karunungan sa mga kulang
sa kaalaman.
Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
Masdan ninyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi ninyong ginagawa
sa mga umiibig sa inyo.
Patnubayan ninyo ako ng inyong mga salita,
at huwag ninyong hayaang akoʼy pagharian
ng kasamaan.
Iligtas ninyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong
mga tuntunin.
Ipakita ninyo sa akin na inyong lingkod
ang inyong kabutihan,
at turuan ninyo ako ng inyong
mga tuntunin.
Labis akong umiiyak
dahil hindi sinusunod ng mga tao
ang inyong kautusan.
צ Tsade
Matuwid kayo, Panginoon,
at tama ang inyong mga paghatol.
Ang inyong ibinigay na mga turo
ay matuwid at mapagkatiwalaan.
Labis ang aking galit
dahil binalewala ng aking
mga kaaway
ang inyong mga salita.
Napatunayan na maaasahan
ang inyong mga pangako,
kaya napakahalaga nito sa akin
na inyong lingkod.
Kahit mahirap lang ako at inaayawan,
hindi ko kinakalimutan ang inyong
mga tuntunin.
Walang katapusan ang inyong katuwiran,
at ang inyong kautusan
ay batay sa katotohanan.
Dumating sa akin ang mga kaguluhan
at kahirapan,
ngunit ang inyong mga utos
ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
Ang inyong mga turo ay matuwid
at walang hanggan.
Bigyan ninyo ako ng pang-unawa
upang patuloy akong mabuhay.
ק Qof
Panginoon, buong puso akong
tumatawag sa inyo;
sagutin ninyo ako, at susundin ko
ang inyong mga tuntunin.
Tumatawag ako sa inyo;
iligtas ninyo ako, at susundin ko
ang inyong mga tuntunin.
Gising na ako bago pa sumikat ang araw
at humihingi ng tulong sa inyo,
dahil nagtitiwala ako
sa inyong pangako.
Akoʼy nagpuyat nang buong magdamag,
upang pagbulay-bulayan
ang inyong mga pangako.
Panginoon, dinggin ninyo ako
ayon sa inyong pagmamahal;
ingatan ninyo ang aking buhay
ayon sa inyong paghatol.119:149 paghatol: O utos.
Palapit na nang palapit
ang masasamang umuusig sa akin,
ang mga taong tumatanggi
sa inyong kautusan.
Ngunit malapit kayo sa akin,
Panginoon;
at ang inyong mga utos
ay maaasahan.
Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo,
naunawaan ko noon pa man
na ang inyong mga katuruan
ay magpapatuloy magpakailanman.
ר Resh
Masdan ninyo ang dinaranas kong
paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
dahil hindi ko kinakalimutan
ang inyong kautusan.
Ipagtanggol ninyo ako at iligtas,
ingatan ninyo ang aking buhay
ayon sa inyong pangako.
Hindi maliligtas ang masasamâ,
dahil hindi nila ipinamumuhay
ang inyong mga tuntunin.
Napakamaawain ninyo Panginoon;
ingatan ninyo ang aking buhay
ayon sa inyong paghatol.119:156 paghatol: O utos.
Marami ang umuusig sa akin,
ngunit hindi ako lumayo
sa inyong mga turo.
Kinasusuklaman ko
ang mga hindi tapat sa inyo,
dahil hindi nila sinusunod
ang inyong salita.
Tingnan ninyo Panginoon
kung paano ko sinusunod
ang inyong mga tuntunin.
Ingatan ninyo ang aking buhay
ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
Totoo ang lahat ng inyong salita,
at ang inyong mga utos
ay makatuwiran magpakailanman.
ש Sin at Shin
Inuusig ako ng mga namumuno
nang walang dahilan,
ngunit salita lamang ninyo
ang aking kinatatakutan.
Nagagalak ako
sa inyong mga pangako,
tulad ng isang taong nakatuklas
ng malaking kayamanan.
Namumuhi ako at nasusuklam
sa kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
Pitong beses119:164 Pitong beses: O Paulit-ulit o Maingat. akong nagpupuri sa inyo
bawat araw dahil matuwid
ang inyong mga utos.
Magiging payapaʼt tiwasay
ang kalagayan ng mga umiibig
sa inyong kautusan,
at silaʼy hindi mabubuwal.
Panginoon umaasa ako
na akoʼy inyong ililigtas,
at sinusunod ko ang inyong mga utos.
Buong puso kong iniibig
ang inyong mga turo,
at itoʼy sinusunod ko.
Ang lahat kong ginagawa
ay inyong nalalaman,
kaya sinusunod ko ang inyong
mga tuntunin at katuruan.
ת Taw
Panginoon, pakinggan sana ninyo
ang aking hinaing.
Bigyan ninyo ako ng pang-unawa
ayon sa inyong pangako.
Sanaʼy dinggin ninyo
ang aking dalangin,
at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
Lagi akong magpupuri sa inyo,
dahil tinuturuan ninyo ako
ng inyong mga tuntunin.
Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
dahil matuwid ang lahat
ng inyong mga utos.
Palagi sana kayong maging handa
na akoʼy tulungan,
dahil pinili kong sundin
ang inyong mga tuntunin.
Panginoon, nananabik ako
sa inyong pagliligtas.
Ang kautusan ninyo ay nagbibigay
sa akin ng kagalakan.
Panatilihin ninyo ang aking buhay
para kayoʼy aking mapapurihan,
at sanaʼy tulungan ako
ng inyong mga utos na masunod
ang inyong kalooban.
Para akong tupang naligaw at nawala,
kaya hanapin ninyo ako
na inyong lingkod,
dahil hindi ko kinakalimutan
ang inyong mga utos.