Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 28
Awit na isinulat ni David.
Tumatawag ako sa inyo, Panginoon,
ang aking Batong kanlungan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
Dahil kung hindi, matutulad ako
sa mga patay na nasa libingan.
Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
Humingi ako sa inyo ng tulong,
habang itinataas ang aking mga kamay
sa harap ng inyong banal na Templo.
Huwag nʼyo akong parusahan
kasama ng masasamâ.
Nagkukunwari silang mga kaibigan,
pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
Dahil binabalewala nila
ang mga gawa ng Panginoon,
gigibain nʼya sila at hindi na
ibabangon muli.
Purihin ang Panginoon,
dahil pinakinggan nʼya ang aking pagsusumamo.
Kayo ang nagpapalakas
at nag-iingat sa akin.
Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
Tinutulungan nʼyo ako,
kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Kayo, Panginoon, ang kalakasan
ng inyong mga mamamayan.
Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
Katulad ng isang pastol,
bantayan nʼyo sila,
at kalungin magpakailanman.