Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 57
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David noong tinakasan niya si Saul at siyaʼy nagtago sa kuweba. Inaawit sa tono ng awiting, “Huwag Sirain.”
Kahabagan ninyo ako, O Diyos,
mahabag kayo sa akin.
Sapagkat sa inyo ako kumukubli.
Akoʼy kukubli sa ilalim ng inyong mga pakpak,
hanggang sa ang panganib ay lumipas.
Sa Kataas-taasang Diyos akoʼy tumatawag,
sa kanya na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit akoʼy kanyang tutulungan at ililigtas.
Inilalagay nʼya sa kahihiyan
ang mga kaaway ko.
Ipapakita nʼya ang kanyang pag-ibig at katapatan.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
parang mga leong handang lumapa ng tao.
Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan
at ang inyong kaluwalhatian sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag
ang aking mga kaaway.
Naghukay rin sila sa aking dadaanan,
ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Diyos, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang aking sarili
at ang aking instrumentong may mga kuwerdas
upang magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan
ay hindi mapantayan
at lampas pa sa kalangitan.
O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan
sa buong kalangitan at sa buong mundo.