PsaSal Mga SalmoSalmi, salmo Mga SalmoLibro dei Salmi, salmo 6

Traduzioni

Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na sinasaliwan ng instrumentong may walong kuwerdas.

O Panginoon, huwag nʼyo po akong sawayin

kapag kayoʼy galit sa akin;

Huwag nʼyo po akong parusahan

kapag kayoʼy napopoot sa akin.

Akoʼy inyong kahabagan sa aking kahinaan,

at pagalingin ang dumaraing kong kalamnan.

Akoʼy labis na nababagabag.

Hanggang kailan, O Panginoon,

hanggang kailan ako magiging ganito?

Panginoon akoʼy inyong dinggin

at akoʼy sagipin.

Iligtas nʼyo ako sa kamatayan

alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.

Sapagkat ang patay

ay ʼdi ka na maaalala.

Sa mundo ng mga patay

wala nang makakapagpuri pa.

Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.

Gabi-gabiʼy basa ng luha

ang aking higaan;

sa pag-iyak koʼy basang-basa

ang aking unan.

Ang paningin koʼy nanlalabo

dahil sa sobrang lungkot ko;

Ang mga mata koʼy namumugto

dahil sa mga kaaway ko.

Layuan nʼyo ako,

kayong gumagawa ng masama,

sapagkat dininig na ng Panginoon

ang aking pag-iyak.

Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,

at sasagutin niya ang aking dalangin.

Mapapahiya at matatakot

ang lahat ng aking kaaway;

Bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.