Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 98
Isang Awit.
Umawit ng bagong awit sa Panginoon,
sapagkat kahanga-hanga
ang kanyang mga gawa!
Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy
tinalo niya ang ating mga kaaway.
Ipinakita ng Panginoon
sa mga bansa
ang kanyang pagliligtas
at pagiging makatuwiran.
Hindi niya kinalimutan
ang kanyang pag-ibig
at katapatan sa Israel.
Nakita ng lahat ng tao
sa buong mundo
ang pagliligtas ng ating Diyos.
Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
sumigaw kayo sa galak sa Panginoon!
Buong galak kayong umawit
ng papuri sa kanya.
Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon
habang tinutugtog ang mga alpa.
Patunugin ang mga trumpeta at tambuli;
sumigaw kayo sa galak sa harapan ng Panginoon, na Hari.
Magalak ang dagat
at ang lahat ng naninirahan dito,
gayundin ang buong mundo at ang lahat ng narito.
Magpalakpakan ang mga ilog
at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa
ang mga kabundukan.
Magalak sila sa presensya ng Panginoon na hari
dahil darating siya upang hatulan
ang lahat ng tao sa buong mundo.
Hahatulan niya sila nang matuwid
at walang kinikilingan.