Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 101
Awit na isinulat ni David.
Panginoon, aawit ako ng tungkol
sa inyong pag-ibig at katarungan.
Aawit ako ng mga papuri
sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
Kailan nʼyo ako lalapitan?
Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan.
Hindi ko hahayaan ang anumang kasamaan.
Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong
tumatalikod sa Diyos,
at hindi ako makikibahagi
sa kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
hindi ako sasali sa kanilang
ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira
sa kanyang kapwa
ay aking wawasakin.
Ang mga hambog at mapagmataas
ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan
sa aking mga kababayan na tapat
at namumuhay nang matuwid;
silaʼy magiging kasama ko
at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling
ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko
ang mga taong masama;
mawawala sila sa bayan ng Panginoon.