Psa Mga Salmo, salmo Mga Salmo, salmo 149
Purihin ang Panginoon!
Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
Purihin nʼyo siya sa pagtitipon
ng kanyang tapat na mga mamamayan.
Magalak ang mga taga-Israel
sa kanilang Manlilikha.
Magalak ang mga taga-Zion
sa kanilang Hari.
Magpuri sila sa kanya
sa pamamagitan ng pagsasayaw;
at tumugtog sila ng tamburin
at alpa sa pagpupuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay nalulugod
sa kanyang mga mamamayan;
pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba
sa pamamagitan ng pagbibigay
sa kanila ng tagumpay.
Magalak ang mga tapat sa Diyos
dahil sa kanilang tagumpay;
umawit sila sa tuwa
kahit sa kanilang mga higaan.
Sumigaw sila ng pagpupuri sa Diyos
habang hawak ang matalim na espada,
upang maghiganti at magparusa
sa mamamayan ng mga bansa,
upang gapusin ang kanilang mga hari
at ikadena ang kanilang mga pinuno,
at parusahan sila ayon sa utos ng Diyos.
Itoʼy para sa kapurihan
ng mga tapat na mamamayan ng Diyos.
Purihin ang Panginoon!